Monday, May 02, 2005

Part II..

Sori nabitin ko kaya sa kuwento ko. Heto na yung kasunod ng kuwento ko...

=====================

Hindi ko matanggap ang mga sinabi nya sa akin, hindi ako naniniwala na masasabi niya ang lahat ng mga bagay na iyon. Na hindi na niya ako mahal, na nagsasasawa na siya sa akin. Nanghina ako at kung hindi ko naisandal ang kamay ko sa pader, malamang ay nawalan na ako ng panimbang at bumagsak sa sahig. Hindi ko nagawang umiyak dahil hindi ko na kaya. Nagmamadali akong umalis sa bahay nila at hindi ko na nagawang magpasalamat sa mommy niya.

Pagdating sa bahay, nagkulong ako sa kuwarto. Tinabunan ko ang mukha ko ng unan at umiyak ako. Ramdam ko yung bigat sa dibdib ko at inilabas ko lahat. Iyon na ata ang pinaka-pangit na araw sa buong buhay ko. Sana mamatay na lang ako. Paulit-ulit kong sinabi 'yun... Dahil nawalan ng saysay lahat. Lahat ng pinaniwalaan ko, biglang naglaho.

Ilang linggo ang nakalipas at malungkot pa rin ako. Hindi ako makakain, at nilunod ang sarili sa lahat ng mga trabaho sa school. Malaki ang naging epekto sa katawan ko, bumagsak ang timbang ko at napapansin na rin ng mga kaklase ko na unti-unti ng nawawala ang dati kong sigla. Pinilit kong kalimutan ang lahat, na hindi ako magpapatalo sa damdamin ko. Madalas kong pinaniwala ang sarili ko na ok ako, kahit hindi.

Lumipas pa ang mga araw at unti-unti ko ng natatanggap na wala na si Julian sa buhay ko. Muli akong tumambay sa waiting shed dahil hindi man kapani-paniwala, hinanap-hanap ko ang pagmamasid sa mga tao at ang alikabok sa kalsada. Marami na ang pinagbago sa waiting shed. Wala na si Mang Berting dahil tapos na ang construction sa likod ng waiting shed. Si Aling Mameng ay napalitan na ng kanyang anak na si Yayo. Si Grace ay wala na, dahil ang balita ko kay Yayo, may natuwa kay Grace na mag-asawa at inampon siya ng mga ito. Subali't ang mga alaalang dala ng waiting shed sa akin ay naroon pa rin. Yung isang maulang hapon noong Hulyo, naroon pa rin. Hay...

Isang hapon, matapos ang finals namin sa skul ay dumiretso ako sa waiting shed. Sabi nga nila, ang mga bagay na hindi mo inaasahang mangyayari, ay iyon pa ang magaganap. Malayo pa lang ay may natanawan na akong nakaupo sa paborito kong upuan (doon kami nagkakilala). Hindi ko maikakaila ang tindig at itsura ng taong iyon. Kilala ko ang taong iyon. Si Julian.

Nagdalawang-isip ako kung lalapit ako. Ayoko ng bumalik lahat sa akin, pero may mga katanungan ako na hindi pa nasasagot, kung kaya't nilakasan ko ang loob ko at lumapit ako. Umupo ako sa tabi niya, pero wala siyang imik. Sinandal lang niya ang ulo niya sa balikat ko. Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang luha ko. Huminga ako ng malalim at tinanong ko siya ng bakit.

Alam kong makikita kita dito. Iyon ang sinabi niya, at hindi iyon sagot sa tanong ko. Tinanong ko siyang muli, hindi siya nagsalita at hinawakan ang kamay ko. Na-miss raw niya ako. Sa totoo lang... medyo naiinis na ako noon dahil ayaw niyang sagutin ang tanong ko. Inalis ko ang kamay niya at sa huling pagkakataon ay tinanong ko siya. Inalis niya ang ulo niya sa balikat ko at muling hinawakan ang kamay ko. Ipinaliwanag niya lahat sa akin. May sakit siya pero mas pinili niya ang huwag magpagamot, wala rin naman daw kuwenta dahil hindi na siya naniniwala na gagaling pa siya.

Nagalit ako at sinampal ko siya. Umiyak ako hindi dahil naglihim siya sa akin pero dahil ayaw na niyang mabuhay.....

(Shet sorry, mamyang hapon na talaga ang ending pramis. Dami kasing istorbo eh. :))

No comments: