May kuwento ako na laging naiisip habang naghihintay ng bus sa may waiting shed ng U.N. Avenue. Kinda mushy... Hehe...
===============
Naging libangan na ata sa akin ang pag-upo sa waiting shed sa may U.N. Avenue. Trip-trip ko lang ang magmasid sa mga taong naghihintay kung kaya't ginagabi ako lagi ng pag-uwi sa amin. Hindi ko inaalintana ang kapal ng usok ng mga tambutso at ang ingay ng mga sasakyan. Para sa akin ito ang kasiyahan ko dahil dito lahat ng klase ng tao napapagmasdan ko.
Marami na rin akong nakilala sa libangang kong ito. Si Aling Mameng na may sariling maliit na bangketa sa may waiting shed. Halos ata lahat na puwedeng kailanganin ng mga dumadaan eh ibinebenta niya. Mga sedula, ballpen, candy, dyaryo, buko juice, mineral water, sigarilyo, at ultimong e-load ay meron siyang itinitinda. Akala ko noong una'y suplada si Aling Mameng dahil matapang ang kanyang mga mata at mukhang laging may iniisip. Nabigla na lamang ako noong minsang tinanong niya ako kung bakit nakahiligan kong tumambay sa waiting shed. Simula noo'y lagi na kaming nag-uusap, tungkol sa gobyerno o kung minsa'y sa mga chismis tungkol sa mga artista na kanyang nababasa sa diyaryo.
Ang pangalawa'y si Grace. Ang bulag na namamalimos sa may dulong bahagi ng waiting shed. Aliw na aliw ako sa kanya dahil sa ganda ng kanyang boses. Kung hindi lamang naging bulag ang batang ito, malamang ay sumikat ito dahil sa galing niya sa pagbirit. Nakagawian ko ng bigyan siya ng tinapay (baon ko) kapalit ng isang madamdaming kanta.
At ang huli ay si Mang Berting. Foreman siya sa ginagawang building sa likod ng waiting shed. Paminsan-minsan ko lamang siyang nakakausap dahil sasaglit lamang ang breaktime nilang manggagawa.
Hindi sa kanila umiikot ang aking kuwento, subali't sa isang hindi makalimutang pangyayari.
Tandang-tanda ko pa. Isang maulang hapon sa buwan ng Hulyo ng una ko siyang makita. Patakbo siyang sumilong sa waiting shed. Umupo siya sa tabi ko at napansin kong basang-basa siya mula ulo hanggang paa. Sobrang nanginginig siya sa lamig kung kaya't naisipan ko ipahiram ang jacket ko sa kanya. Ngumiti naman siya sa akin at nagpasalamat sa jacket. Nalaman kong pareho kami ng bus na sinasakyan pauwi. Kung kaya't nong dumaan na ang bus namin ay pinasukob ko siya sa payong ko. (Nalaman ko ang pangalan niya: Julian!)
Habang sakay kami ay napailing ako at sinabi ko sa kanya na bakit ba halos lahat ng lalaking kilala ko eh hindi mahilig magdala ng payong o sumbrero man lang. Napahiya ata sa akin kay siya na ang nag-alok na ibayad ako ng pamasahe. Ipinaliwanag ko naman sa kanyang hindi niya iyon kailangang gawin dahil bukal sa loob ko ang pagtulong sa kanya. Ipinilit pa rin niya ang bayad kung kaya't ako naman ang napahiya at napilitang tanggapin ang kanyang alok.
Hindi doon nagtapos ang pagkikita namin. Nasundan pa ito ng maraming beses dahil nagkataong pareho kami ng oras ng labas galing sa school. Naipakilala ko na rin sa kanya si Aling Mameng, si Grace at si Mang Berting. Natuwa siya at nasabihan pa akong unique at hindi maarte. Hindi ko raw pinipili ang mga taong gusto kong makilala, ke mahirap man sila. Naging madalas na rin ang pagsasabay namin pag-uwi. Nagulat na lamang ako nang isang araw ay inalok niya ako na ihatid pauwi. Ililibre daw niya ako ng kape dahil nakuha niya 'yung stipend niya sa scholarship. Pumayag naman ako dahil wala din naman akong lakad noong araw na iyon.
Kalagitnaan ng aming pag-uusap ay bigla siyang natahimik. Yumuko siya at huminga ng malalim. Tinanong ko siya kung ano ang problema, at sinagot naman niya ako ng meron. Tumitig siya sa akin at sinabing unti-unti na raw na nahuhulog ang loob niya sa akin. Ipinaliwanag niya sa akin lahat-lahat. Sinabi ang kanyang nararamdaman at nang matapos ay muli siyang yumuko. Nahihiya raw siya dahil baka raw isipin kong inabuso niya yung kabaitan ko sa kanya. Ngumiti ako at inamin ko din ang nararamdaman ko para sa kanya. Talo ko pa si Kris Aquino sa pagbubunyag ng mga lihim. Pagkatpos noon ay pareho kaming natahimik. Tatayo na sana ako at aalis dahil sa kahihiyan ng hinawakan niya ang kamay ko. Nakiusap siya. Kung pwede raw na bigyan ko siya ng pagkakataon na mahalin ako.
Bigla ata akong nasapian at kung ano'ng pakiramdam ang biglang bumalot sa katawan ko. Hindi ko masabi kung ano, basta ang alam ko, masarap at para akong idinuduyan sa ere. Ayokong mawala yng pakiramdam na iyon kaya pumayag ako. Noong inihatid niya ako, sobrang saya ko. Sa loob-loob ko: Kami na! Hay... Ewan ko pero noong tumalikd siya at lalakad na palayo sa bahay namin eh bigla ko siyang niyakap. Natigilan siya at nabitawan yung hawak-hawak na paperbag. Hinawakan niya yung kamay ko tapos sinabi na sobrang saya niya. Hindi ko nakikita yung reaksyon niya dahil isinandal ko ang pisngi ko sa likod niya, ipinikit ko ang mata ko at paulit-ulit kong sinasabi na mahal na mahal ko siya.
Pero hindi lahat ng kuwento ay happy ending. Kung bakit naman kasi sa buhay ng tao, hindi puwede ang laging masaya...
Walong na buwan ang lumipas na puro saya at pagmamahalan. Inasahan ko ng kami na talaga dahil wala kaming naging problema dahil open kami sa isa't isa. Pero mali ako. Dahil sa isang iglap, nawala siya. Patay lagi ang telepono, laging wala sa bahay at hindi pumapasok sa eskwelahan. Gulung-gulo ako dahil hindi ko alam kung bakit. Naging madalas ang pagtambay ko sa waiting shed. Umaasang makikita ko siya muli. Subali't sa araw-araw na pagtigil ko doon ay lagi akong tulala. Laging walang imik at malalim ang iniisip. Pinagpayuhan na nga rin ako ni Aling Mameng at Mang Berting na tigilan ko na ang pag-iisip, dahil kung kami raw ang para sa isa't isa eh magkikita kaming muli. Lahat ginawa nila para lang sumaya ako, pero nabigo sila.
Hindi ako kaagad sumuko dahil gusto kong malaman kung ano ba talaga ang dahilan. Kaya noong isang araw na nawalan kami ng pasok dahil sa welga ay dumiretso ako sa bahay nila. Nadatnan ko ang mommy niya. Malungkot at hindi maipinta ang mukha. May iniabot na sulat sa akin. Binasa ko ito at pagkatapos ay natigilan ako at sobrang higpit ang hawak ko sa sulat niya...........
****Itutuloy****
(Sori! Next time na po ang karugtong... :) Isipan niyo ng ending! :))
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment